College students pa lamang sila ay alam na ni Rain na babaero si Preston “Pyro” Navida. Ngayong isa na itong sikat na PBA player ay tila lalong lumala ang pagiging mapaglaro nito sa babae. Nang muli ngang nagkrus ang mga landas nila ay natuklasan niyang balak nitong isali sa mahabang listahan ng mga niligawan at sinaktan nito ang best friend niya na si Mindie.
Para mailigtas ang kaibigan niya ay nakipagsabwatan siya kay Luis, ang manliligaw ni Mindie at matagal nang karibal ni Preston sa hardcourt at ngayon ay isa na ring magaling na PBA player.
Sa tulong ni Luis ay magiging dakilang asungot at istorbo siya sa mga lakad nina Preston at Mindie. Hahadlangan niya ang bawat diskarte nito. Pero akalain ba niyang madidiskaril ang diskarte niya at muling mahuhulog sa kamandag—este, karisma nito?